Naging malinaw si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na wala siyang kinalaman sa kasalukuyang impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte. Sa isang press briefing, inihayag ni Marcos na ang sangay ng ehekutibo ay walang papel sa isyung ito.
“The executive cannot have a hand in the impeachment. Walang role ang executive sa impeachment,” pahayag ni Marcos.
Binanggit din ng Pangulo na ang Kamara at Senado ay wala nang pagpipilian kundi harapin ang mga reklamo ng impeachment.
“Once the impeachment complaints were filed, the House and the Senate, they have no choice. Nakatali na ang kamay nila. They have to do this and they have to do it in recognition of again the complaints that have been filed. So, iyon ang nangyari ngayon,” dagdag ni Marcos.
Inihayag din ni Marcos na handa siyang magtawag ng special session sa Kongreso kung hihilingin ito ng Senado.
Noong Miyerkules, bumoto ang House of Representatives na suportahan ang impeachment laban kay Duterte, na may 215 mambabatas na pumirma upang ipadala ang reklamo sa Senado. Ngunit hindi tinalakay ng Senado ang impeachment bago mag-break.
Kasabay nito, nagbigay ng pahayag si Marcos patungkol sa kanyang anak, si Sandro Marcos, na kasalukuyang kinatawan ng Ilocos Norte. Ayon sa Pangulo, pinayuhan niya ang anak na gampanan ang tungkulin nito bilang mambabatas at suportahan ang proseso ng impeachment.
“Sabi ko sa kanya, ‘the process has already begun. It’s your duty now to support the process. So, do your duty.’ That’s what I told him. You are constitutionally mandated to support that process. You’re a congressman so do your duty. I didn’t know he’d be the first to sign,” ani ng Pangulo.
Gayunpaman, tiwala ang Pangulo na hindi maaapektohan ang momentum ng ekonomiya ng bansa ng mga kasalukuyang pangyayari sa politika.
Ang pitong artikulo ng impeachment laban kay VP Duterte ay kinabibilangan ng conspiracy sa pagpatay sa First Couple at House Speaker, malversation ng confidential funds, bribery at corruption sa ilalim ng pamumuno ni Duterte bilang Secretary ng Edukasyon, hindi maipaliwanag na yaman, hindi pagdedeklara ng mga ari-arian, at koneksyon sa mga extrajudicial killings sa Davao City, at mga hakbang na may layuning magdulot ng destabilization, insurhensya, at pampublikong kaguluhan.
Photo credit: Facebook/pcogovph