Itinanggi ni Senador Robin Padilla na may mali at nilabag si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa lipat-budget sa Procurement Service of the Department of Budget and Management (PS-DBM) para sa COVID-19 supplies.
Mariing niyang sinabi na ginawa lamang ni Duterte ang kanyang tungkulin bilang presidente noong kumalat ang COVID-19 sa bansa. Aniya, kailangan ng taumbayan ang budget na ito upang masugpo ang pandemya.
“Si dating Pangulo Rodrigo Roa Duterte ay walang nilabag na batas at sa katotohanan batay po sa Seksyon 4 ng Bayanihan Law 1 (RA 11469) na nagbubukod sa mga pagbili ng personal protective equipment mula sa procurement law at iba pang nauugnay na batas at alinsunod sa Government Procurement Policy Board Resolution na may petsang Abril 6, 2020,” saad ni Padilla sa kanyang Facebook post.
Dagdag pa ng mambabatas, tila “batuhang putik” ang nangyayaring paninisi kay Duterte sa paglilipat ng P47.6-billion na budget ng DBM sa PS-DBM para sa COVID-19 supplies.
“Kailangan ba talaga magbatuhan ng putik sa oras na ang inang bayan ay nasa bingit ng tatahaking kapalaran,” aniya.
Ayon pa kay Padilla, hindi lamang ang Pilipinas ang naglabas ng ganoong kalaking pera para masolusyunan ang tumataas na kaso ng COVID-19.
“Katulad ng ibang mga bansa tunay na sumuka ng salapi ang lahat ng gobyerno, ang karamihan ay katulad natin na nangutang para mapagtagumpayan ang pandemic ng COVID.”
Matatandaang nilantad ni dating Health Secretary Francisco Duque III na si former President Duterte ang nag-utos sa kaduda-dudang paglipat ng budget sa PS-DBM noong pandemic.
Ang nasabing funds na ito ay nagresulta para kasuhan si Duque ng graft dahil sa kanyang pamumuno sa health sector noong pandemya.