Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na wala siyang hinanakit laban sa kanyang hinalinhan na si dating pangulong Rodrigo Duterte, sa kabila ng mga batikos na ibinato nito sa kanya.
Sa gitna ng kanyang tatlong araw na pagbisita sa Germany, nilinaw ni Marcos na hiwalay ang kanyang personal na damdamin mula sa mga tungkuling propesyonal.
“So, like I told you many times before, hindi ako namemersonal. Para sa akin, hindi naman madali, pero nahihiwalay ko ‘yung trabaho at saka ‘yung personal. So, I don’t see a problem there,” saad in Marcos sa gitna ng mga panibagong batikos ni Duterte.
Ipinaabot din ng Pangulo ang kanyang pagbati sa kaarawan ni Duterte, at binigyang diin ang kahalagahan ng paggalang sa mahahalagang okasyon.
“Well, yes. We will, of course, wish him a happy birthday, and many happy returns. At talaga namang that is, alam mo naman tayong mga Pilipino ginagalang natin ‘yung mga very important occasions na ganiyan,” aniya.
“Like I told you before, although there is an official greeting from the Office of the President, there will also be greeting, e personal ko namang kilala si PRRD.”
Minaliit rin Marcos ang mga pagbatikos ni Duterte sa kanyang suporta sa charter change at sinabing kailangan niyang suriin muna ang komento nito, dahil sa inconsistency.
“Na-co-confuse ako kay PRRD papalit-palit eh,” biro ng Pangulo.
“So, we will, tignan ko muna kung ano ba talaga ang sinabi niya para maintindihan ko. I think, hindi ko talaga naintindihan kasi parang naiiba bawat salita niya iba. So I will try to make sense of it.”
Photo credit: Facebook/pcogovph, Facebook/officialpdplabanph