Ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) ang petisyon para i-disqualify si Apollo Quiboloy sa kanyang kandidatura bilang senador sa darating na Mayo 2025 midterm elections.
Sa 14-pahinang desisyon na inilabas noong Disyembre 18, sinabi ng Comelec First Division na kulang sa sapat na ebidensya ang petisyon ng labor leader na si Sonny Matula upang kanselahin ang Certificate of Candidacy (COC) ni Quiboloy.
Ayon sa Comelec, ang mga batayan ng petisyon ay walang sapat na legal at factual na basehan. Bukod pa rito, may procedural lapses sa paghahain ng reklamo, dahil hindi maaaring pagsamahin ang nuisance candidate petition sa iba pang mga batayan para sa disqualification.
Sa petisyon ni Matula, sinabi nito na invalid ang nominasyon ni Quiboloy dahil umano sa unauthorized signatory ng Certificate of Nomination and Acceptance (CONA). Subalit sinabi ng Comelec na ang isyung ito ay hindi maituturing na material misrepresentation batay sa batas sa eleksyon.
Una nang binawi ni Quiboloy ang kanyang CONA mula sa Workers’ and Peasants’ Party noong Oktubre 21 at nagpasya siyang tumakbo bilang independent senatorial candidate.
Sa kasalukuyan, nakadetine si Quiboloy sa Camp Crame dahil sa mga kasong human trafficking at child abuse na kinahaharap niya.