Hinimok ni Sen. Raffy Tulfo ang Manila International Airport Authority (MIAA) na maglagay ng processing center para sa mga VIP – karamihan ay mga opisyal ng gobyerno – na dumaraan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa isang pagdinig ng Senate Committee on Public Services, ipinahayag niya na ang processing center ay magsisiguro na ang lahat ng mga VIP na sumasakay sa mga private o chartered flights ay sasailalim sa masusing inspeksyon at pagsusuri ng kanilang mga bagahe.
“Akalain mo itong mga chartered airlines sakay itong mga passengers kung saang bansa, nakakalibre sila, hindi sila naiinspeksyon,” sabi ni Tulfo.
Ito ay kasunod ng impormasyon na natanggap niya na nagsasabing ang mga VIP ay hindi dumadaan sa normal na proseso at inspeksyon. Sa halip, sila ay dumidiretso sa kanilang mga eroplano mula sa paliparan sa kanilang mga SUV o limousine.
Binigyan ng mambabatas ng deadline ang MIAA hanggang sa katapusan ng taon upang itayo ang VIP Processing Center.
Ayon kay MIAA General Manager Eric Ines, karamihan sa mga tinutukoy na VIP ay mga opisyal ng gobyerno, ngunit tumanggi siyang pangalanan ang mga ito.
Sinabi rin ni Ines na nag-deploy na sila ng mga security personnel mula sa Airport Police Department at Philippine National Police upang magsagawa ng inspeksyon sa mga bagahe ng mga VIP.
Hiniling din ni Tulfo kay Ines ang listahan ng mga tinutukoy na VIP at ang paliwanag kung bakit binibigyan ang mga ito ng espesyal na pagtrato sa airport, habang ang mga ordinaryong mamamayan na bumoto sa kanila ay dumaraan sa masusing proseso sa paliparan.
“What makes them so special? Samantalang ‘yong mga bumoto sa kanila, dumadaan sa proseso, dumadaan sa butas ng karayom tapos itong mga iniluklok ng mga tao, ito ang bibigyan ng super VIP treatment? No. It shouldn’t be that way,” dagdag pa niya.