Tila dinedma ni Vice President Sara Duterte ang mga alegasyon sa kanyang pagbibitiw bilang sekretarya ng Department of Education (DepEd) matapos niyang sabihin na wala sa kanyang konsiderasyon ang reaksyon ng ibang tao.
Matapos ang kanyang resignation sa DepEd, ibinahagi ni Duterte sa kanyang interbyu sa GMA Integrated News na naging malungkot siya sa kanyang desisyon dahil napalapit na ang kanyang loob sa mga guro at estudyante.
“Yung pagpunta ko sa mga schools, mga pakikipag-usap ko sa mga estudyante, at pakikipagusap ko sa mga guro, minahal ko talaga yung trabaho ko kaya nalulungkot ako.”
Aniya, ang kanyang pag-alis ay dahil sa kanyang hangarin na mas mapaganda ang sektor ng edukasyon ng bansa at hindi dahil sa iba pang intensyon.
“Hindi ko na kinonsider yung reaksyon ng mga tao, kinonsider ko lang kung ano yung mas makakabuti sa Department of Education.”
Dagdag pa ng bise presidente, walang kinalaman ang kanyang ama na si dating pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang resignation sa DepEd pati na rin sa gabinete dahil sarili niyang desisyon ang pag-alis dito.
Dahil dito, nagpapasalamat si Duterte na malugod na pagtanggap ni Pangulong Bongbong Marcos at inihayag niyang “friendly” pa rin sila sa isa’t-isa sa kabila ng mga pambabatikos sa kanilang samahan.
“Pumunta ako sa opisina ni Pangulong Marcos, sinabi ko sa kanyang dala ko yung resignation letter ko. And maayos naman yung kanyang pagtanggap and maayos din yung pagtatapos ng aming pag-uusap,” aniya.
Sa ngayon, sinabi ni Duterte na wala siyang planong magbitiw bilang bise presidente ng bansa dahil nais niyang tutukan ang iba’t-ibang projects na sinisimulan na ngayon ng kanyang opisina.