Ito ang tanong ng marami sa exposé ni ex-president Duterte sa umano’y pagiging bangag sa droga ni Pangulong Bongbong Marcos. “Bakit ngayon ka lang nagpuputak?”
Kung totoo ito, bakit ka pumayag na maging ka-tiket ng anak mong si Sara noong 2021 national election ang isang ‘adik’ samantalang anim na taon mong ibinabandera ang ‘war on drugs’ mo?’
While it is true na hanggang sa ngayon mataas ang popularity rating ni Ex-PRRD, hindi ito nangangahulugan na credible ang mga patutsadang binibitiwan niya. Kung mayroon man tayong kinikilalang political acumen itong si Digong, ito ay walang iba kundi ang mastery nito na manipulahin ang persepsyon ng publiko sa paghahalo nito ng katotohanan at haka-haka na hindi mo alam alin sa dalawa ang dapat mong paniwalaan — iyung may halong P.I. o yung may halong pagpapatawa?
Sabagay, madami sa mga kababayan natin ang utong-uto kapag nag P.I. na si Digong. Kesehodang baguhin pa nila ang sistema, para sa kanila, entertainment lang ang lahat ng nagaganap na political sarsuela at ang mahalaga, naaaliw sila at nakakalimutang pansamantala na wala palang laman ang mga sikmura ng mga anak nila.
Ang banat naman ng mga pusher ng P.I. o People’s Initiative ay patunayan ni Ex-PRRD na layunin talaga nila na palitan ang political system sa bansa sa naturang hakbangin. Again, Ok lang yan. Di na dapat pang patulan sapagkat sa mata ng taumbayan, hindi isyu ang palitan ng sistema mula Presidential patungong Parliamentary at kung ano ang nilalaman ng economic provision ng cha-cha. Ang importante, me laman ang palabigasan ng kanilang pamilya at may konting pang-ulam pa. Yan ang totoo.
Sa kabilang banda, may katwiran din naman itong si Digong. Kulang sa paliwanag ang mga tulak ng People’s Initiative kung para saan talaga ito at ano ang benepisyo ng ordinaryong Pilipino dito? Hindi iyung ibebenta mo ang Pirma Initiative kapalit ng ayuda ng gobyerno na akala ng mga tulak ng P.I. e hindi alam ng pinoy na pera din nila ang ipinamumudmod sa kanila. Sabagay, sanay naman ang Pilipino na iginigisa sila sa sariling mantika kaya siguro ayos lang?
Sa idad na 80, nakahanda daw si ex-PRRD sa lahat ng maaring mangyari sa kanya sa paglaban niya sa cha-cha. Pakiramdam yata ni Digong, si Ninoy Aquino siya — which is a big joke. Ang tanong ngayon, iyun bang mga inalagaan niya noon sa Kamara de Representante na patuloy na namamayagpag sa ngayon ay handa ding “magpakabayani” tulad n’ya? Huy, kamusta naman kaya si Duterte Youth Party-List Congressman Ronald Cardema? Hindi na natin nadinig ito mula noong ma-contempt sina Eric Almendras at Lorraine Badoy sa Kongreso. Playing safe na din ba si Cong. Ronald?
Balitaktakang may silab kaya ang init!
Disclaimer: The views and opinions expressed by the author in this piece do not necessarily reflect those of Politico.ph.