Iminungkahi ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada sa Anti-Money Laundering Council (AMLC) na i-freeze ang mga ari-arian ni suspended Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sa pagkakasangkot nito sa isyu ng money laundering at kahina-hinalang kaugnayan umano ng mayora sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
Nais na matuldukan ni Estrada ang maaaring paglaki pa ng sunud-sunod na mga isyu ni Guo sa pamamagitan ng pag-suspinde sa kanyang assets.
Aniya, kailangan nang kumilos ang AMLC para mas mapadali ang pag-iimbestiga sa mga negosyo at ari-arian na may kaugnayan umano kay Guo.
“Ang ganitong hakbang ay makatutulong upang magkaroon ng masusing imbestigasyon at malaman ang katotohanan sa likod ng kaliwa’t kanang akusasyon na may kinalaman diumano ang lokal na opisyal sa ilang iligal na aktibidad, kabilang ang money-laundering.”
Dagdag pa ng senador, isa itong seryosong usapin na dapat nang mawakasan. “This move is a crucial step in preventing the disposition of purported illegally acquired assets that may be subject to investigation.”
Maalalang ibinulgar kamakailan ni Senator Win Gatchalian na sabit si Guo sa isyu ng money laundering dahil sa bilyon-bilyong pera na ginamit ng Baofu Land Development Inc. na pagmamay-ari umano ng mayora.
Kasabay nito ang pagkakadiskubre na si Guo ay sangkot din daw sa isang malaking money laundering case sa Singapore matapos ang kanyang pakikipag-ugnayan sa iba’t-ibang foreign nationals.