Sa hangarin na protektahan ang sektor ng paggawa mula sa masamang epekto ng mabilis na paglago ng ekonomiya, ipinahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang intensyon na magpatupad ng pagtaas sweldo sa bansa.
Sa isang courtesy call kamakailan sa Malacañan Palace kasama si International Labour Organization (ILO) Director General Gilbert F. Houngbo, binigyang-diin ni Marcos ang pangangailangan para sa isang balanced approach na nagpapagaan ng inflationary pressure sa mga manggagawa habang pinalalakas ang economic expansion.
“But I think our negotiations with workers, with the unions, with the different negotiations, we will be able to come to a good working number, a good compromise,” aniya.
“When there is rapid industrialization and rapid expansion of the economy, there is a tendency to leave the labor sector behind and just exploit the labor sector.”
Sa mahigit 96 porsyento ng mga negosyo sa Pilipinas na itinuturing na maliliit o “nano-enterprises,” isinaalang-alang ni Marcos ang mga hamon na kinakaharap ng mga employer na maaaring nahihirapang matugunan ang pagtaas ng sahod.
Upang matugunan ang isyu, sinabi niya na ang Department of Labor and Employment (DOLE) ay nakipag-negosasyon sa mga manggagawa, unyon, at mga labor organization upang makahanap ng kompromiso na mapapakinabangan pareho ng sektor ng paggawa at mga negosyante.
Tiniyak din ni Marcos sa mga nawalan ng trabaho sa panahon ng Covid-19 pandemic na ang mga programa sa ilalim ng DOLE ay magagamit upang makatulong sa kanilang pagbangon. Binigyang-diin niya ang pangako ng gobyerno na protektahan ang mga manggagawa at kanilang mga pamilya, partikular na pagkatapos ng pandemya.