Naghain ng 20-day freeze order ang Court of Appeals (CA) sa mga bank account, ari-arian at iba pang asset ng akusadong child abuser at fugitive preacher na si Apollo Carreon Quiboloy, kabilang ang kanyang simbahan na Kingdom of Jesus Christ o KOJC at media group na Sonshine Media Network International o SMNI.
Ang freeze order resolution na inilabas ng Special 3rd Division ng CA ay isinulat ni Associate Justice Gabriel Robeniol na sinang-ayunan nina Associate Justices Ramon Bato Jr. at Charlene Hernandez-Azura.
Ayon sa desisyong nilagdaan ni Robeniol, “In order to avoid the possibility of the funds in the subject bank accounts and/or properties from being withdrawn, removed, transferred, concealed or placed beyond the reach of law enforcers, this Court finds it appropriate and judicious to issue a 20-day freeze order as prayed for by petitioner over said bank accounts, including all other related or materially-linked accounts, and the real and personal properties enumerated in the ex-parte petition.”
Sa ibinabang 48-pahinang resolusyon na may petsang Agosto 7, pinagtibay ng Court of Appeals ang petisyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) tungkol sa natagpuang 330 malalaking financial transactions ni Quiboloy mula 2006 hanggang 2022 na umano’y direktang nagmula sa mga unlawful activities ng naturang religious leader kabilang ang kanyang mga kasamahan sa pagka ministro.
Binigyang-diin din sa nasabing resolusyon na nakahanap ang korte ng makatwirang batayan upang maniwala na ang pera at mga ari-arian ni Quiboloy ay “linked to unlawful activities and predicate crimes not only for qualified human trafficking, sexual and child abuse and sex trafficking of children, but also fraud, conspiracy, marriage fraud, smuggling, and money laundering, among others.”
Saklaw ng nasabing abiso, ang 10 bank accounts, pitong real properties, limang sasakyang de-motor, at isang sasakyang panghimpapawid na personal na pag-aari umano ni Quiboloy.
Kasama rin sa nasabing freeze order ang 47 bank accounts, 16 real properties, at 16 motor vehicles ng kanyang pinamumunuang simbahan, ang KOJC.
Dagdag pa rito ang 17 bank accounts, limang real properties, at 26 motor vehicles ng Swara Sug Media Corp. na nagpapatakbo ng media arm ng kanyang naturang religious group, ang SMNI.
Sa isang pahayag, pinuri ni Justice Secretary Jesus Remulla ang naging agarang aksyon ng appellate court sa pag-freeze ng mga ari-arian at sa pagpigil sa “financial muscle” ni Quiboloy.
“This Order demonstrates the CA’s firm resolve as a partner of the DOJ in upholding the rule of law. This is just one step which has somewhat provided hope for truth and justice,” aniya.
Nagtakda rin ang korte ng isang pagdinig sa darating na Agosto 12 tungkol post-issuance ng nasabing kaso upang matukoy ang posibleng pangangailangang baguhin, alisin o palawigin ang utos ng nasabing freeze order.
Photo credit: Facebook/kjc.org