Tuesday, December 3, 2024

Aling Wika Pa Ang Hihigit Kaya

18

Aling Wika Pa Ang Hihigit Kaya

18

How do you feel about this story?

Like
Love
Haha
Wow
Sad
Angry

Kumakalat ngayon sa social media ang mga balita tungkol kay Senador Robin Padilla na tila nahihirapan makipagsabayan sa pakikipagdebate sa ibang senador dahil “mahina” siya sa Ingles. Marami ang natawa at ilang nadismaya sapagkat nagmukhang hindi siya handa sa mabigat na trabaho sa senado. May mga ilan rin na gustong isulong na requirement ang pagiging bihasa sa wikang Ingles upang makatakbo sa posisyon.

Hindi ko binoto si Robin Padilla sa parehong dahilan – para sa akin, hindi natin kailangan ng bagito sa senado. Kailangan natin ng mga marurunong, matatapang, at progresibong mambabatas. Ngunit sa sandaling iyon ay sumang-ayon ako kay Senator  Robin. Bakit nga ba English-centric ang ating kongreso? Bakit nga ba ang mga panukalang batas na naipapasa ay nakasulat sa wikang Ingles, isang wika na hirap intindihin ng isang ordinaryong mamamayan?

Ang sagot nga ba dito ay mas binibigyang importansya ang pagtuturo ng wikang Ingles sa ating basic education kaysa sa Filipino?

Ilang beses itong naulit ni Pangulong Bongbong Marcos sa mahigit dalawang buwan pa lamang nitong panunungkulan. Una, noong kanyang inagurasyon – sinabi niya na ang pagtuturo ng Ingles sa murang edad ay makakatulong para sa mga future OFWs para sila ay mas madaling makakuha ng trabaho sa ibang bansa. Pangalawa, sa kanyang SONA – nabanggit niya na ang pagiging English-speaking people ng mga Pinoy ay isang malaking benepisyo. 

May katotohanan sa mga pahayag ni Marcos, ngunit may isang malaking problema itong pilit pinagtatakpan – na ang sistema ng edukasyon dito sa Pilipinas ay tila isang pabrika ng mga manggagawang handang ipadala sa ibang bansa na parang produkto. 

Matagal nang problema ng Pilipinas ang brain drain o ang paglipad ng mga tao mula sa Pilipinas patungo sa ibang bansa para makapagtrabaho. Halimbawa, ang Pilipinas ang isa sa top exporter ng mga nurse sa buong mundo samantalang noong kasagsagan ng COVID-19 breakout, laman ng mga balita na hindi sapat ang bilang ng mga healthcare workers sa ating bansa. 

Imbis na natututo ang mga bata sa paaralan ng mga konsepto sa matematika, siyensya, kultura, sining, at marami pang iba, sila ay nagmimistulang inihahanda pa sila ng mga institusyong pang-akademiko bilang mga manggagawang ipapadala lamang sa ibang bansa para doon manilbihan. Hindi ba’t tayo, bilang isang bansa, ang lugi rito?

Bukod pa dito, mahirap para sa mga bata ang pag-aralan ang mga nasabing konsepto kung kinakailangan rin nila itong aralin sa iba pang lenggwahe. Isa sa mga kasamang probisyon sa Enhanced Basic Education Program ay ang tinatawag na Mother Tongue-Based Multilingual Education (MT-BMLE) kung saan ang mga bata ay tinuturuan ng nakasaad na curriculum base sa kanilang pangunahing lenggwahe o mother tongue. Sa ganitong paraan ay mas naiintindihan ng mga estudyante ang itinuturo at mas madali nila maaabot ang kasanayang kinakailangan para sa pinapangarap nilang propesyon.

Sa kabuuan, baka kaya hindi umuunlad at gumaganda ang sistema ng edukasyon dito sa Pilipinas ay dahil mas prayoridad natin ang paggawa ng cheap labor kaysa lumikha ng mga mahuhusay na isip. Hindi K-14 o anumang pagpapayaman ng Ingles ang kailangan natin upang masolusyonan ang krisis sa edukasyon. Ngayong Buwan ng Wika, nararapat lamang na bigyan natin ng importansya hindi lamang ang wikang Filipino kundi pati narin ang daan-daang katutubong lenggwahe sa pagpapayabong ng ating mga kabataan. 

Photo Credit: Facebook/ROBINPADILLA.OFFICIAL

Disclaimer: The opinions expressed in this article are the author’s own and do not reflect the view of POLITICO.PH

ABOUT THE AUTHOR

John Gabriell B. Garcia is an intern at PageOne under Politico.ph. He is a Broadcast Media Arts and Studies Major from the University of the Philippines Diliman, with a passion in marketing, advertising, PR, and promotions. He has taken up several executive positions in various student organizations and student publications. His My passion lies in analyzing and contextualizing the LGBTQIA+ community in media. His advocacies include LGBTQIA+ rights and press freedom.

 

Disclaimer: The views and opinions expressed on this website, including all written content, articles, and posts, are solely those of the individual authors, whether they are employees, contributors, or guest writers. These views and opinions do not necessarily reflect the official policy or position of the website's management, officers, partners, employees, affiliates, or any other associated entities. The content provided and the information contained therein are sourced independently by the respective writers and are not influenced, endorsed, or verified by the management or any other parties associated with the website. Readers are encouraged to conduct their own research and seek appropriate guidance before making any decisions based on the content of this site.

President In Action

Metro Manila