Umapela na si Sen. Bato dela Rosa sa kanyang mga kapwa mambabatas sa Kongreso na igalang naman ang posisyon niya bilang chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs.
Ang kanyang mariing pahayag ay konektado sa dumaraming panawagan ng ibang mambabatas na itigil na ng kanyang kumite ang mga pagdinig sa “leaked” document ng Philippine Drug Enforcement Agency na nagdadawit kay Pangulong Bongbong Marcos sa iligal na droga.
“Never man akong naka-observe in my almost 5 years as a senator, as practice or as a matter of tradition…na ‘yung discretion as to who are going to be invited in his committee hearing ay kinukwestiyon ng mga kapwa senador…Wala man itong pulitika…” pagdidiin ni dela Rosa sa isang interview sa Radyo5
“So sana pagbigyan lang ako na ma-exercise ‘yung aking discretion as Chairman of the Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs. At gano’n din naman sila. Kung sino pong imbitahan nila, wala po akong pakialam. Nirerespeto ko rin sila sa pagiging chairman nila.”
Dagdag pa ng senador, unprecedented sa Kongreso ang pag-kwestyon sa discretionary powers ng isang committee chairman.
Inihalintulad ni dela Rosa ang kanyang kasalukuyang pagsisiyasat sa mga nakaraang pagsisiyasat ng Senado gaya na lamang sa kaso ng Pharmally Pharmaceutical Inc. fund scam, kung saan kalaban man o kaalyado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay hindi nagtawag ng pagpapahinto sa nasabing imbestigasyon.
Photo credit: Facebook/senateph